Kampon ni kristo

Sugo ng diyos, mamamayan ng daigdig. Hindi ka dapat mangimi! Hindi ka dapat matakot! Hindi ka dapat mabuhay sa dilim! Lisanin mo ang karimlan! Habulin mo ang liwanag! Tahakin ang daan, tungo sa tagumpay ng sambayanan! Dahil ang sambayanan ay si Kristo!

Sunday, November 14, 2010

Ang Daigdig ng mga Hudas: Pangarap kong maging Diyos

Marami akong mga pangarap noong bata pa ako at kung gaano katayog ang mga iyon, hindi madaling sukatin.

 

 Kung ang iba katulad ng mga madalas na sabihin sa mga search for Little Mr. and Miss Philippines, ay nangangarap na maging doktor, abugado, enhinyero, guro at kung anu-ano pang mga propesyong pang peti-bugoy, na pare - parehong para daw makatulong sa mga mahihirap.

 

 Hay naku kung alam lang nila ang mangyayari pag laki nila.

 

Ako ang gusto kong maging pag laki ko o kahit na ba hindi pa lumalaki, ay ang maging Diyos.

 

Pero nakakalito rin, ang dami kasing mga Diyos.

 

Minsan tuloy nalilito ako kung Diyos ba ang gumawa sa tao, o tao ang gumawa sa Diyos. Nung tanungin ko naman si Nanay, napingol lang ako sa tenga. Humaba rin ang sermong di ko naman maintindihan sa dami. Pero hindi nalinaw kung ano nga ba ang totoo sa hindi.

 

Basta totoo daw ang diyos nya, ewan nya nalang ang ibang Diyos, iyon daw mga yun ang mga gawa – gawa lang. Kapag yung iba naman ang tinanong mo'y ang kanila ang totoo, at ang iba'y gawa – gawa lang.

 

Pero gusto ko pa ring maging Diyos, kahit na yung gawa – gawa lang. Napaka makapangyarihan kasi ng mga diyos, lahat ng tao may sinasambang kanikanilang mga dyos, at kahit isa lang sa dami niyon. Gusto kong maging Diyos.

 

Minsan nga naiisip ko kapag nasa simbahan kami ni Lola ay ano kaya ang mangyayari kung bigla akong lumatang o kaya kahit na bigla lang mag glow. Yung parang may ilaw sa likod ng ulo. Ang saya – saya siguro nun pag nagkataon.

 

Nakaka – aliw marahil maging Diyos. Hinding – hindi ka maiinip. Sa simbahan, sasayawan ka ng tao, kakantahan ka rin. Mayroong papuri, pampa – sayaw at pampatulog.

 

Hindi ka rin magugutom dahil dadalhan ka ng mga tao ng mga masasarap na pagkain at may bulaklak pa. Tapos hihingi sila sayo ng patawad. Eh, hindi naman sila sa akin may atraso, syempre papatawarin ko sila. O, e di instant mapagpatawad ako ngayon.

 

Ang hirap kasi, gagawa ng kasalanan sa iba, tapos sa Diyos hihingi ng tawad. E anong malay ng Diyos sa kalokohan nila?

 

Pwede ko kayang sabihin kay Mommy na wag syang magagalit dahil nakalimutan kong gawin ang home work ko? Pero okey lang iyon, dahil pinatawad na ako ni God? Hindi kaya nya ako paluin sa inis? Sa palagay ko papaluin nya pa rin ako at mapapadipa ako sa asin.

 

Sabi din ni Lola, lahat daw ay nakikita ng Diyos parang x – ray vision. Si Superman kaya ay diyos rin? Kung ako ang Diyos, e di malalaman ko na kung totoo yung tsismis ni Aling Baby at Aling Edeng. Mananalo rin ako sa ungguy – ungguyan, at hindi mabuburo sa pitik bulag. Diyos ba si Santa Klos? Kasi nakikita nya rin kung masama ka o mabait. Yung mabait lang ang nireregaluhan. Pero kagabi lang, kahit na napagalitan ako ni Lola ay nilagyan pa rin nya ng barya ang medyas ni Tatay na isinabit ko sa may bintana.

 

Nung sumunod na gabi nahuli ko si Nanay na sya pala ang nagkakabit ng barya. Kaya pala palaging sampung piso lang ang laman nun kada araw. Marunong mag budyet si Santa.

 

Mabubuhat mo rin yung mga malalaking bato. Pwede kong ipakain sa lupa yung kaaway ko. Palagi nya kasi akong inaasar at hindi ako makalaban dahil mas malaki sya sa akin.

 

Pag ayoko na dito sa mundo, gagawa ako ng sarili kong mundo, tutal sabi ni father Joe si God daw ang gumawa ng lahat pati kalawakan ng langit. Duon ako titira siyempre sasama ko si Lola para may magluluto ng mga paborito kong ulam. Tsaka yung dagat ay hindi kalaliman dahil hindi ako marunong lumangoy. Wala ring pating kasi nangangagat sila ng tao. Pero pwede ring meron para ipapakain ko sa pating si Dan Dan pag inaway nya ako.

 

Diyos ang may gawa ng lahat ng bagay sa mundo. Kung Diyos ako, hindi din ako gagawa ng gulay. Magkalasa kasi ang gamut at gulay. Parehong mahirap kainin. O kaya kapag namunga ang halaman, mamumunga sya ng spaghetti o kaya lasagna, pwede ring hamburger para hindi na ako tatakutin sa bubuyog na pula na may fixed na ngiti, na mas malaki pa kaysa sa tatay ko.

 

Ang Diyos rin ang nagbibigay ng lahat, pati ng kakainin mo sa umaga, tanghali, hapon, at gabi. Kung binibigay lang bakit ang iba hindi kumakain, namamalimos pa sa kalsada. Pag naawa ako sasabihin ni Mama Betsay na mag – aral daw akong mabuti para wag matulad sa kanila. (Sabay turo sa rugby boy.) Ayokong kumain ng gulay, sabi nya'y magagalit ang Diyos at di na kami bibigyan ng makakain. Pero Kumakain pa rin naman kami.

 

Nuong umuwi ako sa probinsya, para magbakasyon, maaga akong ginising ng Tatang (ang tatay ni Nanay), para magbunot ng damo sa bakuran. Tatamnan daw niya ng mga makakain. Duon talaga nang - gagaling ang mga pagkain. Totoo dahil nakita ko, nahawakan, at higit sa lahat ay naunawaan ang hindi maipaliwanag.

 

Ang lahat ng bagay na may buhay ay may binhi. Iyon yung maliliit na buto na gindi mo kinakain kapag kumakain ka ng prutas tulad ng mangga, pero yung iba'y pwede mong kainin. Itatanim iyon sa lupa, didiligan, tapos pag lipas ng ilang mga araw ay tutubo yung halaman, iintayin mong magkabunga habang inaalagan. Kung hindi mo kasi aalagaan ay mamamatay yun. Wala kang kakainin, kaya dapat alagaan. Pinagpapaguran iyon at hindi inireregalo na dapat ipagpasalamat.

 

Kung ako lang sana talaga ang Diyos…

 

2 comments: