Biyaheng traysikol.
Ni: TL
Nagsusulat ako sa aking kwaderno ng mga kung anu – anong mga tula . Samu’t – sari na rin ang napasok sa aking isip na naghahangad umalpas sa tinta ng aking panulat tungo sa kwadernong tipunan ng mga ala - ala.
Nakagawian ko na itong pampalipas ng mga patay na oras.
Matagal maghintay ng biyahe dito sa lugar namin, may isang oras at tatlumpong minuto na ang nakalipas ay ako pa lang rin ang tanging pasahero. Naghihintay pa ng apat na makakasabay. Mahal kasi ang biyaheng arkilado, aabutin ka ng dalawang daang piso.
Nilabas ko ang mga dokumentong babasahin. Mga balita iyon mula sa iba’t – ibang peryodiko, yung iba’y mula sa internet. Pampalipas oras habang matagal pa ang byahe.
Hiniram ni manong ang isang dyaryo, yung broad sheet ng Inquirer. Nang matapos nya’y yung Manila Bulletin naman, Philippine Star, Balita. Sinilip nya lang ang headline. Nagtagal sya’t napako ang mata sa mga naka-print na isyu ng Pinoy Weekly. Kompilasyon iyon tungkol sa Morong 43. Natapos syang magbasa, at nagpasalamat para sa babasahin.
Naiusal nya, “Hindi na dapat pang pagtaluhan kung ang Morong 43 ay mga totoong NPA.”
Gayon din ang aking himutok tungkol sa pagkakasakdal sa kanila. Hindi ko akalaing gayon din ang ituturan ni manong. Itinanong ko kung bakit.
Kahit sino daw naman kasing dumaan sa palad ng mga militar, tiyak ay aamin sa kahit na ano pa mang ipa – amin sa kanila.
Naalala ko tuloy yung video nung pobreng mama na tinotortyur ng isang pulis Tondo. Eh ano nga ba kung totoong snatcher sya. Kahit yung mga hindi sya ang gumawa tiyak aaminin nun. Nakakasuklam ang mga pangyayari sa video. Hindi ko masikmura. Hindi ko rin maiwasang maisip na maaaring tulad din nun ang nangyari sa mga manggagamot na hinuli sa Rizal.
Kung di lang umingay ang taghoy ng mga pinaglilingkuran nilang mga mamamayan. Baka hindi 43 ang mga iyon ngayon.
Sa lugar namin sa Pampangga malayo ang ospital. Mahirap mag – pagamot, swerteng mayroong isang midwife sa aming lugar. Kung wala sya, sa kabilang bayan ka pa sa Bulacan manganganak. Tyambahan din yun, hindi naman palaging nandun ang midwife. Ako nga ay idinayo pa sa Malolos para lang mailuwal ng Inang.
Hindi lang naman dito sa am in ang may ganitong kalagayan, sa ibang lugar nga ay mas malayo pa ang ospital este klinika pala ng barangay sa kabilang ibayo, at tawid bundok ang layo. Ang saklap pa\y wala ni midwife at ang gamut dito ay ilang pirasong parasetamol na nuong isang taon pa napaso bago madala duon nung may medical mission daw ang gobyerno. E kahit siguro yung mga doctor na nagpunta duon, alam na walang mararating ang misyon – misyunan nila.
Sabi ni manong, kung totoo naman na mga NPA ang mga manggagamot na nahuli’y hindi na rin siguro mahalaga. Ang importante may nanggagamot, may kumakalinga, may nagtatangkang suungin ang hirap sa araw - araw para sa mga taong tulad nami’y wala.
Hindi na rin siguro masama ang rebelyon, dugtong pa nya.
Mas marami raw ang adik sa lugar namin kahit na nga ba probinsya. Nagsimula raw iyon nung tinambayan ng mga militar ang pamilihang bayan. Mahirap naman daw sabihing militar ang protektor ng mga iyon, pero parang ganon ang lumalabas.
Kapag may militar, marami ang nauuso. Nakawan ng manok, itik, gansa, bibe, pabo, talisain, kambing, baka, kalabaw, kaldero, motor, bisikleta, panti sa sampayan, palay, at ng kahit na anong may halaga.
Uso na rin ang mga iba't ibang nangmomodus, mga pekeng kung anu - ano, para luoban ang mga tahanan. Samu't sari ang kriminalidad na nangyayari. Iba pa yung mga dinudukot dahil napagbibintangan ng kung anu - ano, kahit na tiyakin ng mga kabaryong hinding hindi maaaring nagawa ng isinakdal sa gatilyo ang bintang na krimen, at ang mga dalagang nagagahasa sa himlayan sa nayon.
Kung susumahin mo,yung pinagbibintangan ay dito na inugat at nilupa pero hindi naman nangyayari ang binibintang sa kanya, na nangyayari simula ng dumating sa baryo ang mga militar.
Kay hirap na nga lang talagang magsalita at baka mapag - initan at pati ang pamilya'y madamay pa.
Pero hindi naman kami palaging dapat na takot. Kung tutuo ang balita ng mga dumadayo kababaryo namin sa ibang mga karatig bayan para makisaka’y maayos daw duon at may hukbo. Yung mga hukbo daw ay di hukbo ng gobyerno at di unipormado pero mahuhusay na tao. Magagalang sila sa mga magsasakang nakakasalamuha. Kapag tumuloy sa tahanay naghuhubad ng tsinelas at sapatos upang huwag madala sa loob ang putik ng daan. Naglilinis ng kusina kung nakiki-kape. Nagbabayad ng tama kung may nasisira. Nahihinto ang mga nakawan, nahuhuli ang mga nagsasamantala sa mga kadalagahan. Aba’y may dalaga rin akong anak. Ayokong kakaba – kaba na baka mapahamak sya. Di bale ng manakawan ng kabuhayan wag lang ang mga mahal mo sa buhay. Kapag dinalaw kami ng mga hukbo dito'y magmamatapang na akong sumali't mahirap ang matirikang walang laban.
-Isang pakikipaghuntahan sa isang tricycle driver pasuong sa aming baryo. Ang nasabi ko lang ay oo nga po at salamat sa huli bago bumaba at iabot ang pamasahe.
No comments:
Post a Comment